Sunday, April 27, 2014

Sinabawang Gulay: Ang Kulay ng Buhay






Simula ng ipinalabas sa telebisyon ang patalastas ng Knorr, "Makulay ang Buhay sa Sinabawang Gulay," noong taong 2007, ipinatugtog na ang jingle nito sa bawat kampanyang pang- kalusugan at taun- taong linggo ng nutrisyon sa mga paaralan at iba pa. Ngayong pitong taon na ang nakalipas, mainam ding muling balikan ang patalastas na ito at ang kaisipan ng lipunan noon.

Gamit ng kahulugan ni Mojares ng kasaysayan bilang paraan ng pag-iisip, maari nating makita ang isang lipunang nagpapahalaga sa pagkain. Ang pakikitungo ng tao para dito ay makikita sa pagdedeklara ng isang luto, ang sinabawang gulay, bilang nagbibigay saya, pampabuti ng kalusugan, at nagkakaisa na komunidad.

Una, sinasabi ng jingle na nagbibigay ng kasiyahan ang pagkain sa taong kumakain nito. "Ang bawat higop ay puno ng saya," ika nga. Nabibigyan ng iba pang silbi ang pagkain bukod pa sa pagiging isa sa unang pangangailangan ng tao. Ito na rin ay nakaaapekto sa emosyon at kalooban ng tao.

Nakakapagpangiti ang sinabawang gulay.
Ikalawa, pampabuti ng kalusugan ang pagkain. Dito pumapasok ang papel ng pagkain bilang tagapagbigay ng nutrisyon. Tulad ng ipinakita sa patalastas, ipinapakitang pinahahalagahan natin ang pagkain dahil sa mga benepisyong nakukuha natin dito. Wika nga ng kanta, "gumagaling ng todo sa aral at laro." Ang pagkain ang nagiging rason sa mga bagay na kaya nating gawin.


Salamat sa pagkain, may lakas ang tao para maglaro at iba pa.

Ikatlo, dahil nga sa sarap at nutrisyong dulot ng pagkain, ipinapakita rin ng patalstas ang kakayanan nitong magtawag ng atensyon ng mga tao at pagsamahin sila. "Kaya tayo na't makihigop na kayo." Ito ay isang paanyaya  sa lahat ng hindi pa nakatitikim nito na sumama na sa mga nakatikim na. Makikita rin ang pagsasalu- salo sa loob ng bahay tuwing nagsasama-sama ang buong pamilya para kumain.

"Makihigop na kayo!"

Sa pamamagitan ng pagpuno sa sariling interes ng tao pagdating sa panlasa, sa pagbibigay ng sapat na lakas na gagamitin araw- araw, at sa kapangyarihan nitong tumawag ng isang salu- salo, ihinahayag ng patalastas na ang pagkain nga ay may malaking papel sa lipunan. Ito ay nasa chorus: makulay ang buhay sa sinabawang gulay- mas tumitingkad ang komunidad dahil sa pagkain. Dito masasabi na para sa lipunan noon (at maaring hanggang ngayon) ang halaga ng pagkain ay lumalagpas sa pagiging masustansya nito. Ito, gaya ng sinabawang gulay, ang kulay ng buhay.

(P.S: Pwede rin namang "sunshine" kung gugustuhin.)

Love is the little things

(meme galing sa http://9gag.com/gag/amXKg34?ref=fsidebar)